TEACHERS’ WALKABOUT: Lakbay Aral kay Ginoong Celdran
Bilang isang guro sa Araling Panlipunan at Filipino, isang kagalakan ang makasama atmakapakinig sa isang batikang historian na si Ginoong Carlos Celdran na para sa isang lakbay-aral na naganap noong Ika 15 ng Mayo. Sa aking pakikinig, naaliw ako sa kaniyang pagsasalita, pag-arte at pagpalit ng kasuotan na ayon sa uri/tema ng kaniyang tinatalakay. Napakalinaw at napakagaling niya sa pagbibigay ng kaniyang kaalaman patungkol sa kasaysayan ng ating bansa. Dahil dito, napukaw niya ang aming atensiyon at damdamin sa kaniyang pagiging malikhain.
Sa aking pakikinig nagbalik -tanaw sa akin ang mga natutunan ko sa kasaysayan. Habang nagsasalita si Ginoong Celdran ay malinaw kong nakikita sa aking isipan ang mga kaganapan noon sa ating bansa habang siya ay nagsasalita. Tunay ngang napakalalim pala ng ating kasaysayan kung iyong lubos na pag-aaralan. Isang kagalakan na muling malaman na ang Pilipinas noon bago dumating ang Ikalawang Digmaan ay angat sa ibang bansa. Mayaman nga kung susuriin, kaya maraming dayuhan ang nais na sa atin ay manatili. mapa-Espanyol, Hapon at maging mga Amerikano ay nag-uunahan.
Sa tatlong nabanggit, masasabing ang mga Amerikano ang siyang tumulong sa atin (kahit hindi naman talaga) upang makawala sa kamay ng mga Espanyol. Tinulungan (daw) nila tayong maging edukado sa pamamagitan ng pagtatayo ng mga paaralan. Nagtayo rin sila ng mga ospital at marami pang iba upang makatulong (daw) sa ating lahat. Napakaganda kung ating titingnan ngunit kung susuriin, ang lahat ng ito ay may kapalit na hinihingi mula sa ating inang bayan. Ginawa nilang tirahan ang ating bansa. Dito nag-umpisa ang pagkawala ng ating “identity” bilang isang Pilipino. Unti-unti nilang nilason ang ating mga isipan upang ating makalimutan ang sarili nating paniniwala bilang isang nasyon. Tayong lahat ay naging dependent sa kanilang kakayahan kung kaya’t lumiit ang ating paningin sa ating sariling pagkatao na dati ay kilala bilang malikhain. Hindi tayo tinuruan ng mga Amerikanong lumipad at mangarap, tayo ay naging sunud-sunuran sa kanila sa lahat ng bagay. Halos ang mga kababaihan na dati’y Maria Clara kung ituring ay naging “Hollywood Stars” ng Asya. Naging katulad tayo ng “halo-halo” isang pagkaing masarap, matamis ngunit iba’t- iba ang sahog na siyang nagdulot ng iba’t-ibang lasa. Sa aking pakikinig naisip ko ang mga ginawa ni Rizal at ng iba pa nating bayani na nakipaglaban para ating kalayaan. Natanong ko rin ang aking sarili ng mga sumusunod. Paano nga ba ito matatapos? Darating pa ba ang panahon na makatatayo muli ang ating bansa bilang isang malayang nasyon? Kailan lubos na magiging edukado ang mga Pilipino at aalis sa anino ng kanluran? Kailan tayo magiging isang masarap na putahe at may sariling pagkatao? Napakahirap sagutin ngunit naniniwala ako na darating ang araw, balang araw muling mabubuhay ang imahe ni Dr. Jose P. Rizal mula sa ating mga estudyante.
Naniniwala ako na balang araw mula sa ating paaralan ay may tatayo at magpapatuloy sa lahat ng nagawa ni Rizal para sa ating bansa. Ang pagkakaroon ng pag-asa, pangarapin sa ating mga estudyante at sa bansa ay ang aking naging baon pagkatapos ng lakbay-aral sa Intramuros na pinangunahan ni Ginoong Celdran.